Hangganan

Minsan tayo'y naglakad sa isang daan. Madaming tao, malubak, at madaming bagay na nakakaabala. Inisip ko, ano bang lugar to? Gusto lang naman kita dalhin sa isa sa mga paborito kong puntahan - kung saan tayo unang nagkita. Di ko inakalang madami nang nagbago papunta roon. Nakita mo ang mukha ko na parang hindi sigurado, na para bang naliligaw. 

Hinawakan mo ang aking kamay ng mahigpit. Tinanong mo kung saan ko gusto pumunta, dahil kahit saan ako patungo ay dun rin ang punta mo. Sasabay ka sa mga yapak ko. Kahit saan, kahit kailan. Kahit malubak ang daan. Kahit hindi kanais nais ang pupuntahan.

Sa mga sandaling iyon, naramdaman ko ang kakaibang katahimikan ng aking puso. Ngayon ko lang nadama na sa haba ng hinintay kong panahon, ikaw ay akin, at akin lamang - walang kahati, walang kaagaw. Naramdaman ko na handa ka nang ibigay sa akin ang sarili mo ng buong buo. 

Siguro nga at may nagawa akong tama kahit papano. Kaya heto, at nandito tayong dalawa. Magkahawak kamay at magkasama, na tila hindi na mangyari na bumitaw pa sa isa't isa. Wala na akong hihilingin pang iba. Sa wakas, ikaw naman ang nagpadama sa akin ng saya. Hiniling ko na sana, ang mga sandaling iyon ay hindi na magwakas. Tumingin ako sa iyo at nakita ko ang iyong nakangiting mga mata. 

At bigla akong nagising. Mag-isa, aking kama. Nagising nanaman ako sa katotohanan. 

No comments:

Post a Comment